--Ads--

Inaasahang higit pang mapabibilis at mapalalawak ang paghahatid ng serbisyo sa mga guro at iba pang propesyonal kasunod ng pagbubukas ng bagong tanggapan ng Professional Regulation Commission (PRC) sa Fourlanes Plaza, Santiago City.

‎Ipinaliwanag ni Commissioner Erwin Enad na ang relokasyon ng tanggapan ay bahagi ng estratehikong hakbang upang higit na mailapit ang mga serbisyo ng PRC sa kanilang mga kliyente, lalo na sa mga guro at school heads na bumubuo ng malaking sektor ng kanilang pinaglilingkuran.

‎Dagdag pa niya, inaasahan ang pagpapalawig ng mga aktibidad sa lungsod, kabilang ang potensyal na pagtatalaga sa Santiago City bilang testing center at venue para sa regional oathtaking.

‎Binigyang-diin din ni Commissioner Enad na ang nasabing inisyatiba ay bunga ng pinagtibay na ugnayan ng PRC, Department of Education (DepEd), at ng lokal na pamahalaan ng Santiago City.

‎Aniya, nagdudulot ito ng mas malawak na multiplier effect dahil hindi lamang nito pinaiigting ang pamantayan ng mga propesyonal, kundi nag-aambag din sa pangkalahatang kaunlaran ng lungsod.

‎Sa kasalukuyan, saklaw ng PRC ang 46 na regulated professions, at bukas ang bagong tanggapan para sa lahat ng ito.

Samantala, nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng SDO Santiago City, sa PRC at sa lokal na pamahalaan.

‎Binigyang-diin niya na ang sektor ng edukasyon ang isa sa pangunahing makikinabang sa naturang hakbang, sapagkat ito ang may pinakamalaking bilang ng kliyente ng ahensya.