Inihayag ng Legal Spokesperson ng Impeachment Prosecution Team na posibleng matapos nang mas maaga ang pagmamarka ng mga dokumentong ebidensiya, sa kondisyon na tuluy-tuloy at walang magiging aberya sa proseso, upang hindi maantala ang nakatakdang pagsisimula ng impeachment trial.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Atty. Benjamin Tolosa Jr., kung maipagpapatuloy nang maayos ang marking ng mga dokumento, maaaring hindi maantala ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte na nakatakdang magsimula sa July 6, 2026.
Dagdag niya, nagdagdag na ng karagdagang manpower ang impeachment clerk of court, kaya’t umabot na sa limang marking teams ang itinalaga upang tumutok sa tatlong articles of impeachment, na layuning mapabilis ang pagsusuri at pagmamarka ng mga ebidensiya.
Itutuloy ang proseso ng marking hanggang Sabado kung hindi pa rin ito matatapos sa mga susunod na araw, depende sa bilis ng pagproseso ng mga dokumento.
Giit ng prosecution team, kapag natapos na ang pagmamarka ng lahat ng documentary evidence, mas magiging mabilis ang takbo ng paglilitis sa Senado dahil hindi na kailangang isa-isahin pa ang mga dokumento sa mismong impeachment trial, na magpapadali sa presentasyon ng kaso.
Tiniyak din ng prosecution na makakapagprisinta sila ng matibay na ebidensiya sa harap ng mga senator-judges na magsisilbing basehan sa kanilang magiging desisyon sa impeachment trial ni VP Sara Duterte.










