--Ads--

kinasiya ng kampo ng depensa at prosekusyon ang naging takbo ng unang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.

Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng depensa, handang-handa ang kanilang lead counsel na si Atty. Sheila Sison sa paglalatag ng pambungad na pahayag. Sinabi rin niya na normal lamang ang palitan ng magkakaibang argumento sa pagitan ng depensa at prosekusyon sa pagsisimula ng paglilitis.

Gayunman, tumanggi si Poa na sabihin kung alin sa dalawang panig ang may kalamangan sa unang araw ng pagdinig. Aniya, mas mahalaga para sa kanila na maipresenta nang maayos ang kanilang kaso kaysa magbilang kung sino ang lamang o dehado.

Kinumpirma rin ni Poa na regular na naipapaabot kay Vice President Duterte ang mga kaganapan sa kanyang kaso kahit hindi ito personal na dumalo sa unang araw ng paglilitis. Dagdag pa niya, hindi pa tiyak kung papayuhan nilang dumalo nang personal ang pangalawang pangulo sa mga susunod na pagdinig.

--Ads--

Samantala, iginagalang umano ng depensa ang naging pasya ng impeachment court na italaga si Senate President Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer ng paglilitis.

Sa panig naman ng prosekusyon, iginiit ni Lead Prosecutor at Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro na hindi natalo ang prosekusyon sa unang araw ng paglilitis. Aniya, isang tagumpay na agad ang pagsisimula ng impeachment trial na matagal nang hinihintay ng sambayanang Pilipino.

Ayon naman kay Akbayan Party-list Representative Chel Diokno, masyado pang maaga upang sabihin kung sino ang nananalo o natatalo dahil mga paunang usapin pa lamang ang natalakay sa unang araw. Inaasahan namang sisimulan na ang presentasyon ng mga ebidensya sa mga susunod na pagdinig.

Kaugnay nito, naghain ang prosekusyon ng panibagong kahilingan para sa subpoena sa Bureau of Internal Revenue o BIR upang makuha ang mas malawak na talaan ng mga dokumento at rekord na may kaugnayan kay Vice President Duterte, sa kanyang asawa, at sa mga kumpanyang kanilang pagmamay-ari.

Nagpahayag din ng pagkadismaya si Luistro sa naging pasya ng impeachment court na ibalik sa BIR ang kahon ng mga dokumentong may kaugnayan sa tax records ng bise presidente at ng kanyang asawa dahil hindi pa ito pormal na naihahain bilang ebidensya.

Samantala, binigyang-diin ni House prosecution spokesperson Ace Barbers na ang mahigit 32 milyong boto na nakuha ni Duterte noong halalan ay hindi lisensya upang lumabag sa batas. Aniya, malinaw sa Konstitusyon na may pananagutan ang lahat ng opisyal ng gobyerno sa oras na mapatunayang may nilabag silang batas o probisyon ng Saligang Batas.

Pinuri rin ni Diokno ang hakbang ng impeachment court na gawing mas transparent ang proseso sa pamamagitan ng paglalathala ng mga dokumento at pleadings sa website ng Senado upang masubaybayan ng publiko ang mga kaganapan sa paglilitis.