--Ads--

Nilinaw ng isang law professor na matapos ang pagdinig ng Kamara sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, maaari itong iakyat sa Senado kung mapapatunayang may sapat na basehan ang mga alegasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ipinaliwanag ni Atty. Randy Arreola na ang tungkulin ng House of Representatives ay alamin kung mayroong “probable cause” o sapat na ebidensya upang ituloy ang kaso—katulad ng papel ng isang piskal sa preliminary investigation.

Ayon sa kanya, kapag napatunayang “sufficient in form and substance” ang reklamo sa antas ng komite, maaari itong dalhin sa plenaryo. Kapag nakakuha ito ng boto mula sa hindi bababa sa isang-katlo ng mga kongresista, maisasampa ang Articles of Impeachment sa Senado, na siyang magsisilbing impeachment court.

Dagdag pa ni Arreola, sa mismong paglilitis sa Senado tatalakayin ang mahahalagang isyu, kabilang ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise presidente, na isa sa mga sentrong usapin sa pagdinig ng House Committee on Justice nitong Miyerkules, April 22.

--Ads--

Ipinaliwanag din niya na ang SALN ay isang public document na maaaring suriin sa impeachment proceedings, lalo na’t may mga exemption ang bank secrecy law sa ganitong uri ng kaso.

Samantala, iginiit ng abogado na nasa pagpapasya ng respondent kung dadalo o hindi sa pagdinig sa Kamara, dahil may karapatan itong manahimik sa yugto ng imbestigasyon.