Kinuwestiyon ng kampo ni VP Sara Duterte ang ilang ebidensiyang iniharap sa pagdinig ng House Committee on Justice, na umano’y walang direktang kaugnayan sa mga paratang laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense team, kabilang sa mga kinuwestiyon ang video ni Sebastian Duterte na aniya’y hindi saklaw ng layunin ng pagdinig.
Iginiit ni Poa na ang pangunahing layunin ng committee hearings ay tukuyin kung may “probable cause” sa mga reklamong isinampa laban sa Bise Presidente, partikular sa mga umano’y nagawang paglabag habang siya ay nasa puwesto.
Dagdag pa niya, lumalampas na umano sa saklaw ng pagdinig kung isinasama ang mga isyu na may kinalaman sa pamilya ng Bise Presidente at hindi direktang konektado sa mga alegasyon laban sa kanya.











