--Ads--

Kinuwestiyon ng isang Law Professor ang pag-divulge o pagsapubliko sa bank transcations ni Vice President Sara Duterte at asawa nitong si Atty. Manases Carpio sa naging pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment ng pangalawang pangulo nitong ika-22 ng Abril.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, ipinaliwanag niya na sa ilalim ng Republic Act 1405 o Bank Secrecy Law ay hindi maaaring maisapubliko ang mga transaksyon sa bangko ng kung sino mang indibidwal, subalit mayroon umanong exemption ang naturang batas.

Aniya, isa na rito ay kapag mayroong written permission o pahintulot mula sa isang indibdwal na busisiin ang kaniyang pera sa bangko.

Pwede rin aniyang ma-waive ang bank secrecy law kung ang isang indibidwal ay may kinahaharap na kaso kung saan ang mismong pera na nasa bangko ang subject matter, o di kaya’y may kinalaman sa bribery at dereliction of duty na may kasamang court order, isa pa rito ay ‘in cases of impeachment.’

--Ads--

Sa nakaraang pagdining sa Kongreso, isa sa mga ginamit na rason sa pagsasapubliko ng bank transactions ay ang impeachment case ngunit inihayag ni Atty. Arreola, wala pang cases of impeachment dahil wala pang naisampa sa hukuman.

Sa usapin ng impeachment, binigyang diin ng Abogado na hindi korte ang House of Representatives dahil ang senado ang tatayong hukom kapag nagkataon.

Dahil dito, masyadong  premature para I-divulge ang bank transactions ng bise presidente sa Kamara dahil preliminary investigations pa lamang ang ginagawa ng mga ito upang matukoy kung mayroong probable cause sa impeachment.