--Ads--

Inanyayahan ng Provincial Veterinary Office (PVET) Isabela ang mga backyard breeders sa lalawigan na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang maging bahagi ng Livelihood Assistance Through the Swine Breeder Dispersal Program ng pamahalaang panlalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Helen Sevilla, Provincial Veterinarian ng Isabela, sinabi niya na hinihikayat nila ang mga hog breeders na magbenta ng dekalidad na biik sa pamahalaang panlalawigan upang maipamahagi sa mga kwalipikadong kababaihan, partikular ang poorest of the poor at solo parents, bilang panimulang puhunan sa ilalim ng Gender and Development (GAD) initiative.

Ayon kay Dr. Sevilla, layunin ng programa na palakasin ang papel ng kababaihan sa livestock production sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng oportunidad na magkaroon ng sustainable source of income at mapalago ang kanilang kabuhayan at kabuhayang pampamilya.

Aniya, mahalaga rin na may maayos nang kulungan ng baboy ang mga benepisyaryo upang hindi na sila magkaroon pa ng dagdag na gastusin, habang kinakailangan din ang kanilang commitment at kahandaan sa wastong pag-aalaga ng mga biik upang matiyak na magiging matagumpay ang programa bilang pangmatagalang kabuhayan.

--Ads--

Dagdag pa niya, malaking tulong din ang programa sa mga backyard breeders dahil nagkakaroon sila ng karagdagang merkado para sa kanilang mga biik habang natutulungan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng livelihood initiative.

Inanyayahan ni Dr. Sevilla ang mga breeders sa Isabela na makipag-ugnayan sa kanilang opisina o tumawag sa hotline na 09171523637 upang personal na masuri ng PVET ang mga biik at matiyak na pasok ang mga ito sa itinakdang requirements ng programa.

Inaasahang hindi lamang makatutulong ang programa sa pag-angat ng kabuhayan ng mga kababaihan kundi maging sa pagpapalakas ng lokal na produksyon ng hog industry sa buong lalawigan ng Isabela.