--Ads--

CAUAYAN CITY – Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ang isang pulis na taga-Isabela ngunit nakatalaga sa Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa pagsakay  ng dalawang Locally Stranded Individual (LSI) mula sa Metro Manila na hindi dumaan sa tamang proseso.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Noel Magbitang, hepe ng Cabagan Police Station, sinabi niya na nakausap niya mismo si PCpl Jaypee Lagutao na residente ng Angancasilian, Cabagan, Isabela.

Dumaan sa checkpoint ang  pulis kasama ang dalawang LSI lulan ng pribadong sasakyan ngunit  dahil nagpakilala siyang pulis at sinabi na dadalhin sa quarantine facility ng barangay Angancasilian ang dalawang LSI kaya pinalusot siya sa border checkpoint sa Cordon, Isabela.

Ayon kay PMaj Magbitang, dahil sa pangyayari ay desidido silang sampahan ng kaso ang pulis dahil sa pagpapalusot ng mga LSI sa kanilang bayan.

--Ads--

Noong ika-22 ng Setyembre 2020 aniya ay nakauwi sa nasabing barangay ang dalawang LSI at hindi agad na naipabatid sa kanilang himpilan.

Hindi naman itinanggi ni PCpl Lagutao ang paratang na pagpapalusot ng LSI ngunit iginiit  na ipinasakamay ang dalawa sa quarantine facility.

Sinabi pa niya na negatibo  ang dalawang LSI sa kanilang swab test sa Maynila at dahil kabarangay niya ay minabuti niyang isabay sila sa kanyang pag-uwi sa bayan ng Cabagan.

Sa kabila nito nagpaalala si PMaj Magbitang na hindi dapat na maabuso ang pagiging Authorized Person Outside Residence (APOR) ng mga Pulis.

Ang pahayag ni PMaj Noel Magbitang.

Samantala, ikinadismaya ng  pamahalaang panlalawigan ang pagsakay ni PCpl Lagutao sa dalawang LSI.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Elizabeth Binag, Provincial Informational Officer, sinabi niya na bagamat hindi nagpositibo sa virus ang mga LSI ay dapat na masunod ang mga health protocol na ipinapatupad ng Provincial Inter-Agency Task Force (PIATF).

Batay sa protocol aniya, dapat na makipag-ugnayan sa mga otoridad ang mga uuwing LSI at sasailalim sa quarantine pagdating sa lalawigan upang matiyak na ligtas sila sa virus.

Dahil hindi reported ang pagdating ng dalawang LSI sa bayan ng Cabagan ay lumalabas na sinadya ng pulis na ipalusot sila para hindi maisailalim sa quarantine.

Maliban dito ay hindi dumaan ang dalawang LSI sa triage Cordon, Isabela kaya hindi sila nakapagbigay ng kanilang health declaration.

Dahil sa pangyayari ay magpapasa ang PIATF ng isang resolusyon para higpitan pa ang pagpapatupad ng mga panuntunan gaya ng pagsusuri sa mga sasakyan sa border checkpoint sa Cordon, Isabela maging sa mga checkpoint sa mga bayan at lunsod para malaman ang mga pumapasok sa Isabela.

Kailangan din na higpitan ang paglilista, monitoring at pag-uulat sa mga LSI na umuuwi sa mga barangay.

Nagbabala si Atty. Binag sa mga hindi tatalima o makikipagtulungan na opisyal ng barangay at pribadong indibidwal na masasampahan ng kaso.

Ang pahayag ni Atty. Elizabeth Binag.