--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakakulong ngayon sa Banaue Police Station at sasampahan ng kasong double homicide ang police corporal na bumaril at pumatay sa dalawang kasamang miyembro ng 1501st Manuever Company, Regional Mobile Force Brigade (RMFB) 15 sa Viewpoint, Banaue, Ifugao.

Ang namaril habang nasa kuwarto niya sa kanilang barracks ay si PCpl. Paul Cungihan Badangayon, 28 anyos, may-asawa at residente ng O-ong, Hingyon, Ifugao.

Nasawi sa naganap na pamamaril ni Badangayon 1:30 ng madaling araw kahapon sina PSSg Romuldo Latiego Ngina Jr, 32 anyos, may-asawa, residente ng Utucan, Bauco, Mt Province at Patrolman Rey Roman Wan-Aten, 30 anyos, may-asawa at residente ng Badew, Kibungan, Benguet.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Porfirio Aguana, Information Officer ng Ifugao Police Provincial Office (IPPO), sinabi niya na batay sa kanilang imbestigasyon, naglaro ng finger wrestling o ‘tursi’ ang suspek at isa sa mga biktima subalit nang sila ay nagkaasaran ay nakapagsalita nang masama si Cpl Badangayon.

--Ads--

Umalis siya at nagtungo sa kanyang kwarto subalit sinundan siya ni PSSg Ngina at sinuntok sa noo.

Dahil nasaktan ay binunot ni Badangayon ang kanyang service firearm at pinagbabaril si Ngina.

Natamaan ng bala sa kanyang dibdib si Wan-aten nang lumapit para awatin ang dalawa.

Dahil sa mga putok ng baril ay nabulabog ang kanilang mga kasama sa barracks at hindi na tumutol si Ngina nang siya ay pigilan.

Nilinaw ni PLt. Aguana na hindi nakainom ng alak ang mga sangkot na pulis kundi dala lamang ng kanilang asaran nang masaktan ang hinlalato ni Ngina nang maglaro sila ng tursi.

Ang tinig ni PLt Porfirio Aguana

Nakakulong ngayon si Cpl Badangayon sa Banaue Police Station habang ang bangkay ng dalawang pulis ay naiuwi na sa kanilang mga bahay.

Nagpaalala rin si Pol. Lt. Aguana sa lahat mga baguhang pulis na habaan ang kanilang pasensiya para hindi na humantong sa ganitong pangyayari.

Ang tinig ni PLt Porfirio Aguana