--Ads--

Ilulunsad ng Department of Energy (DOE) ang kauna-unahang pambansang programa sa pag-iimbak ng petrolyo upang maprotektahan ang ekonomiya sa krisis sa suplay ng langis.

Sa ilalim ng framework na Partnership On Wide Energy and Resources Resilience Asia (POWERR Asia), makikipagtulungan ang bansa sa mga dayuhang institusyon at pribadong sektor para magtayo ng mga makabagong pasilidad ng oil stockpiling.

Magpapadala ang Ministry of Economy, Trade and Industry ng Japan ng mga eksperto sa mga susunod na araw para simulan ang feasibility studies.

Upang matiyak ang pondo at engineering support, hinihimok ng DOE ang mga developer na makipagsosyo sa mga kumpanyang Hapon tulad ng Japan Bank for International Cooperation.

--Ads--

Makatatanggap din ang mga mapipiling partner ng teknikal na pagsasanay mula sa mga energy organization ng Japan at ASEAN.

Ang proyektong ito ay kasunod ng naunang hakbang ng administrasyong Marcos na naglabas ng ₱20 bilyong emergency fund para bumili ng dalawang milyong bariles ng langis noong nakaraang krisis.

Sa ngayon, itinigil muna ng DOE ang emergency procurement dahil sapat at nasa ligtas na antas pa ang kasalukuyang reserba ng bansa.