--Ads--

Naglabas ng paglilinaw ang pamunuan ng Police Regional Office 2 o PRO 2 kaugnay ng kumakalat na video sa social media na may kinalaman sa naging pagresponde ng kapulisan sa isang vehicular accident sa Lungsod ng Tuguegarao.


Batay sa ulat, ang sibilyan na sangkot sa nasabing banggaan ay pinara ng mga pulis bilang bahagi ng kanilang pagtugon sa insidente. Sa halip na tumigil, ito ay tumakas, na nagbunsod ng habulan at kalauna’y nauwi sa panibagong banggaan sa isang tricycle.

Ang paghabol ng kapulisan sa nasabing sibilyan ay upang hindi na magdulot ng anumang disgrasya sa ibang motorista o indibidwal na malapit sa pinangyarihan ng insidente.


Mariing binibigyang-diin ng PRO 2 na hindi kinukunsinti ang anumang uri ng pananakit na nakita sa naturang video. Kaugnay nito, agad na isinagawa ang masusing imbestigasyon at pagsibak sa pwesto ng pulis at kanyang PCP Commander at team leader upang matiyak ang pananagutan ng sinumang mapapatunayang lumabag alinsunod sa umiiral na polisiya at regulasyon ng PNP, bilang patunay ng paninindigan sa prinsipyo ng patas at walang kinikilingang pagpapatupad ng batas.

--Ads--


Kasabay nito, hinihiling ng PRO 2 na magingat at maging responsable pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng tensyon at hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng pulisya at ng komunidad. Hinihikayat ang lahat na alamin muna ang buong konteksto ng pangyayari bago magbahagi ng opinyon o impormasyon.


Nanatiling tapat ang PRO 2 sa tungkulin nitong magpatupad ng batas, panatilihin ang kaayusan, at pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan na may integridad, pananagutan, at malasakit—alinsunod sa adhikain ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas.