CAUAYAN CITY– Mayroon nang gabay na sinusundan ang pulisya sa pagpatay sa isang Intelligence PNCO na kasapi ng Maddela Police Station sa Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt William Agpalza, hepe ng Aglipay Police Station sinabi niya na noong Sabado ng makatanggap sila ng ulat mula kay Barangay Kapitan Frederick Galam ng Cabugao kaugnay ng pagkakatagpo ng isang bangkay sa Addalam river na nakita ng isang Bernard Biagan.
Ayon kay PCpt Agpalza, habang kumukuha si Biagan ng pagkain ng kanyang mga alagang baka ay nakita niya ang bangkay sa ilog.
Sakay ng dalawang motorbanca ang mga kasapi ng intelligence operatives ng Maddela Police Station at Scene of the Crime Operative (SOCO) team ay iniahon ang bangkay ng biktima.
Nang makita ng mga kasapi ng Intel-Operatives ng Maddela Police Station ang bangkay ay nakumpirma nila na ang nakitang bangkay ay ang nawawalang si Police Executive Master Sgt. (PEMS) Dexter Manicap Altre.
Kinumpirma rin ng anak ng nasawing pulis na si Denver Altre na ang nawawalang ama ang natagpuang bangkay.
Nauna nang naglabas ng flash alarm ang Maddela Police station noong December 29, 2020 nang nawala si PEMS Dexter Manicap Altre.
Bagamat may mga tinitignan ng motibo sa pagpatay sa pulis ay hindi pa ito maaaring ipaalam sa publiko hanggat hindi pa natatapos ang pagsisiyasat.
May nakitang sugat sa ulo at may mga nawawalang ngipin ang biktima
Tiniyak naman ni PCpt Agpalza na patuloy silang makikipagtulungan sa Maddela Police Station sa pagsisisyasat upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek sa pagpatay kay PEMS Dexter Altre.











