--Ads--

Humingi ng tawad ang pulis na si Police Staff Sergeant Ryan Rene Balisi matapos kumalat ang video na nagpapakita sa kaniya umanong pagtutok ng baril sa ilang tao habang nakainom sa Pasig City.

Aminado si Balisi na nagkamali siya at hiniling ang kapatawaran ng nagreklamo, ng publiko at ng kapuwa niya pulis.

Ayon sa kaniya, nakipagtalo muna siya sa kaniyang asawa bago ang insidente at sinundan niya ito nang umalis sa kanilang tahanan. Inamin din niyang nawalan siya ng kontrol sa kaniyang emosyon.

Sinabi ni Pasig City Police officer-in-charge Police Colonel Wilson delos Santos na agad nilang tinunton si Balisi matapos matukoy sa video. Dinala siya sa himpilan, kinumpiska ang kaniyang baril at isinailalim sa alcohol breath test.

--Ads--

Bagama’t nakapagpiyansa na si Balisi, nananatili siya sa restrictive custody at nakatakdang ilipat sa headquarters ng Eastern Police District.

Samantala, sinabi ni National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Ralph Calinisan na itutuloy ng komisyon ang reklamong administratibo laban kay Balisi, na posibleng humantong sa kasong grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.

Binigyang-diin ni Calinisan na hindi dahilan ang personal na problema o pagkalasing upang pagbantaan ang ibang tao gamit ang baril.