
CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang miyembro ng San Agustin Police Station matapos bumangga dakong 5:30AM ang minamanehong motorsiklo sa nakahambalang umano na barikada ng DENR sa bahagi sa national highway sa Payac, Jones Isabela at sumalpok sa paparating na mini elf truck.
Ang namatay ay si PCpl Rondel Balisacan, residente ng Nemmatan, San Agustin, Isabela.
Ang tsuper ng Isuzu mini elf truck ay si John Reymar De Leon.
Batay sa imbestigasyon ng mga kasapi ng Jones Police Station, binabagtas ng pulis ang daan patungong hilagang direksyon palabas sa bayan ng Jones, Isabela nang mabangga ang barikada ng DENR bago sumalpok sa parating na elf truck.
Patungo si PCpl Balisacan sa Lunsod ng Tuguegarao para dumalo sa Riding Course Orientation sa Police Regional Office (PRO) 2.
Nagtamo ang pulis ng malalang sugat sa katawan at isinugod sa Prospero G. Bello Integrated Community Hospital ng mga tumugon na miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ngunit idineklarang dead on arrival.
Nabatid na walang nasaktan sa sakay ng mini elf truck.










