CAUAYAN CITY– Nagsanib pwersa na ang PDRRMC, pamahalaang lokal ng Itbayat, PNP, Philippine Marines, at Philippine Coast Guard para mahanap ang isang mangingisda na napaulat na nawawala sa sitio Vahay, Sta. Lucia, Itbayat, Batanes.
Si Cleto Elento ay nawala noong January 20, 2021 at hinihinalang natangay ng malaking alon habang nangingisda.
Una nang naglunsad ng search and rescue operations ang Pamahalaang Lokal ng Itbayat noong January 21, 2021 subalit nabigo ang mga otoridad na mahanap ang nawawalang mangingisda.
Humingi na rin ng tulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batanes sa AFP-Northern Luzon Command para magsagawa ng malawakang aerial search.
Nagsimula na ring nag-ikot at nagsasagawa ng search and rescue operation ang BRP Jose Rizal Navy Ship sa palibot ng isla.











