
CAUAYAN CITY – Mahigpit ang pagbabantay ng mga opisyal ng barangay at Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) ng Villa Concepcion, Cauayan City sa dalawang quarantine checkpoint para masuri ang mga papasok at papalabas sa barangay matapos na isailalim sa isang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ)ng pamahalaang lunsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Soledad Quijano ng Villa Concepcion, sinabi niya na pinagbabawalan muna nila ang kanilang mga kabarangay sa paglabas habang sila ay nakasailalim sa ECQ.
Sa kabila nito ay pinapayagan pa rin ang pagdaan ng mga sasakyan mula sa ibang barangay na patungo sa iba pang barangay.
Maliban sa mga quarantine checkpoint ay isinagawa ang disinfection sa kanilang barangay hall.
Sa ngayon ay naghihintay pa ng mga karagdagang abiso ang mga opisyal ng barangay Villa Concepcion may kaugnayan sa mga panuntunan na ipaiiral sa kanilang barangay.
Inamin ni Barangay Kapitan Quijano na nakasalamuha nila ang nagpositibo sa kanilang nasasakupan na si CV 674, 45 anyos na lalaki, may asawa, walang nakasalamuha na COVID-19 positive at walang kasaysayan ng paglalakbay sa ibang lugar.
Kaugnay nito ay sumasailalim na rin sa home quarantine ang mga opisyal ng barangay na nakasalamuha ng naturang pasyente.










