Nagtamo ng minor injuries ang 41 katao habang nasa 200 sasakyan ang napinsala matapos hampasin ng record rainfall ang Nagoya, Japan dahil sa nabuong linear rainband nitong Martes.
Aabot naman sa 1,600 residente ang lumikas at nagtungo sa mga evacuation center matapos maapektuhan ng malakas na ulan ang ilang bahagi ng lungsod.
Naparalisa rin ang transportasyon, dahilan upang maraming commuter at estudyante ang hindi nakauwi at napilitang magpalipas ng gabi sa mga evacuation center at iba pang lugar.
Nagbabala ang Japan Meteorological Agency sa patuloy na malakas na pag-ulan hanggang Huwebes, na maaaring magdulot ng pagbaha, pagtaas ng tubig sa mga ilog at pagguho ng lupa.
Inaasahang aabot sa 200 millimeters ang ulan sa Tokai at Kinki regions sa loob ng 24 oras hanggang alas-6 ng umaga bukas.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Myles Beltran mula sa Japan, napansin niyang naging mas madalas ang pag-ulan sa Japan ngayong taon. Aniya, kahit isang oras palang ang itinatagal ng pag-ulan ay nagiging sanhi na ito ng hanggang tuhod na baha.
Dagdag niya, nagiging sanhi na rin ito ng abala sa ilang mga residente at motorista dahil may naitatala na ring landslide sa ilang bahagi ng bansa.
Samantala, marami sa mga empleyado at mga mag-aaral ang na-stranded dahil sa patuloy na pag-ulan at mataas na pagbaha. Sa kasalukuyan, suspendido na ang pasok sa trabaho at mga eskwelahan sa ibang parte ng bansa na apektado nito.










