Naghain si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima ng panukalang batas na magbabawal sa paglalagay ng expiration period sa prepaid load credits ng mga telecommunication companies.
Sa ilalim ng House Bill No. 9903 o “Prepaid Load Forever Act,” ipagbabawal ang pag-expire ng hindi nagagamit na load, ang pagkumpiska ng natitirang load sa aktibong account, at ang pagtanggi ng mga telco na ibalik ang nakumpiskang load nang walang sapat na dahilan.
Ayon kay De Lima, hindi makatarungan na mawala ang bisa ng load na binili at pagmamay-ari na ng mga consumer. Aniya, napipilitan ang mga subscriber na ubusin agad ang kanilang load upang hindi ito masayang.
Sa kasalukuyang patakaran ng National Telecommunications Commission (NTC), Department of Information and Communications Technology (DICT), at Department of Trade and Industry (DTI), may isang taong validity period ang prepaid load credits. Giit ng mambabatas, nagreresulta ito sa bilyon-bilyong pisong halaga ng natatapyas na load ng mga consumer kada taon.
May nakasaad din sa panukala na kung ang account ay hindi nagamit sa loob ng isang taon, maaaring kaltasan ng ₱1 kada araw ang natitirang load hanggang sa maubos ito.
Bukod dito, naghain rin si De Lima ng House Bill No. 9859 na naglalayong magbigay ng 20% diskwento sa mobile load, tawag, text, at internet services para sa mga estudyante.











