Pormal nang sisibakin sa Mababang Kapulungan si Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga, ayon kay Palawan Rep. Jose “Pepito” Alvarez.
Kinumpirma ni Alvarez na ngayong Martes, Hunyo 2, pagbobotohan ang tuluyang pagpapatalsik kay Barzaga sa 20th Congress dahil sa hindi katanggap-tanggap na pag-uugali nito sa plenaryo at maging sa social media.
Bago ang desisyong ito, naghain ng panibagong ethics complaint si NBI Director Melvin Matibag laban kay Barzaga dahil sa post nito na nag-aakusa sa NBI na may tangka umanong pagpatay sa ilang senador.
Una nang nasuspinde ng 60 araw si Barzaga noong Disyembre 2025 dahil sa reklamo ng National Unity Party (NUP) sa pamumuno ni Deputy Speaker Ronaldo Puno.
Sa kabila ng babala, patuloy na naging kontrobersyal ang mambabatas matapos umanong bastusin ang burol ng yumaong si dating Antipolo Rep. Romeo Acop na naging dahilan ng ikalawang suspensyon nito.
Idinamay din ni Barzaga sina Deputy Speaker Janette Garin at Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor sa isang kaso ng accidental firing sa Iloilo.
Ang huling mitsa ng pagkapikon ng mga mambabatas ay ang madalas na pagla-Facebook Live ni Barzaga sa loob mismo ng session hall, kung saan tinatawag niyang “crocodile farm” ang Kamara at “buwaya” ang kanyang mga kapwa kongresista.











