Isinusulong ni House Deputy Speaker David Jayjay Suarez ang panukalang batas na mag-oobliga sa mga pangunahing social media platform na kumuha muna ng prangkisa mula sa Kongreso bago payagang mag-operate sa Pilipinas.
Nakasaad sa House Bill 4786 o Social Media Platform Franchise Act na ituturing na public service ang mga pangunahing social media platform, kaya kailangan nilang dumaan sa proseso ng congressional franchise.
Layunin ng panukala na magkaroon ng mas malinaw na local presence at accountability ang mga social media company na kumikita sa malaking bilang ng mga Pilipinong gumagamit ng kanilang platforms.
Kasabay nito, bibigyan umano ng oversight powers ang Department of Information and Communications Technology o DICT at National Telecommunications Commission o NTC sa mga digital platform, partikular sa usapin ng content at online safety.
Inihain ni Suarez ang panukala kasunod ng magkakasunod na insidente ng karahasan sa mga paaralan, kabilang ang pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato, Ateneo de Zamboanga University, at San Jose National High School sa Tacloban.
Ayon kay Suarez, hindi na lamang libangan ang social media dahil may malaking epekto na ito sa demokrasya, ekonomiya at kaligtasan ng mga kabataan.
Samantala, nakabinbin din sa Kamara ang House Bill 9825 o Digital Safety of Minors Act na naglalayong pagbawalan ang mga batang wala pang 13 anyos na magkaroon ng social media account.











