--Ads--

Kinuwestyon ng ilang kongresista si Quezon City Rep. Bong Suntay nitong Martes dahil sa kanyang kontrobersyal na pahayag tungkol sa aktres na si Anne Curtis habang ipinagtatanggol ang impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte.

Sa pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ni Suntay na tila iniuugnay lamang kay Duterte ang mga paratang na sangkot siya sa political destabilization, sedisyon, at insurrection. Nagdulot ng kontrobersiya ang kanyang pahayag nang banggitin niya na nakita niya si Anne Curtis sa mall at “na-imagine” ang ilang bagay, na aniya ay imahinasyon lamang.

Agad namang pinakiusapan ng ilang miyembro ng komite na alisin ang komentaryo sa opisyal na rekord.

Ayon kay San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora, vice chairperson ng komite, hindi angkop ang ganitong klase ng pahayag, lalo na ngayong ipinagdiriwang ang Buwan ng Kababaihan. Pinagtibay rin ito ni Committee Chair Gerville Luistro na dapat igalang ang damdamin ng iba.

Ipinagpatuloy ng komite ang pagtalakay sa ikatlong impeachment complaint na inihain ng mga clergy at abogado, habang ang ikaapat na complaint ay tatalakayin sa Miyerkules.

Nauna rito, umatras ang ikalawang complaint ng grupo ng Tindig Pilipinas upang mapabilis ang proseso at suportahan ang ikatlong complaint.

--Ads--