--Ads--

Kapansin-pansin na hindi naiwasan ng ilang mambabatas ang political theater sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst at Constitutionalist, sinabi niya na bagamat nasunod ng komite ang due process, hindi naiwasan ang paggamit ng political theater ng ilang mambabatas.

Ayon sa kanya, kapansin-pansin ang paggamit ng mga soundbites tulad ng “smoking gun,” “nuclear bomb,” at maging ng mga pop culture references sa pagdinig, na aniya’y maaaring nakaapekto sa mas seryosong talakayan.

Gayunpaman, iginiit niya na sa kabuuan ay nasunod pa rin ng komite ang tamang proseso sa pagtalakay ng impeachment complaint.

--Ads--

Batay sa kanyang napanood, nailatag naman ng komite ang mga kinakailangang ebidensya upang suportahan ang pagkakaroon ng probable cause para umusad ang kaso, partikular sa mga isyu ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, at hindi umano pagsisiwalat ng kabuuang yaman ni Duterte sa kanyang SALN.

Samantala, iginiit din niya na mas mainam na hindi na binuksan sa pagdinig ang selyadong “BIR green box” na naglalaman ng tax records nina VP Sara Duterte at ng kaniyang asawa na si Atty. Manases Carpio.

Ayon sa kanya, makatutulong ito upang mas mapabilis ang proseso ng komite, dahil sa halip na sa House proceedings ay maaari na lamang itong buksan at suriin sa Senado sa oras ng impeachment trial.

Dagdag pa niya, ang hakbang na ito ay makababawas ng oras sa deliberasyon ng Kamara at makapagpokus sa mas mahahalagang bahagi ng pag-akyat ng kaso sa plenary para sa botohan.

Kapag naaprubahan ang Articles of Impeachment sa plenary, lilipat ang kaso sa Senado na magsisilbing impeachment court, kung saan isasagawa ang pormal na paglilitis laban sa Bise Presidente.