CAUAYAN CITY – Inaprubahan ng Sanguniang Panlalawigan ng Isabela ang resolusyong nagrerekomenda ng pagkakaroon ng satellite market o mga talipapa sa mga barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Emmanuel Joselito Añes, Chairman ng Committee on Health sinabi niya na mas magandang magkaroon ng mga talipapa sa mga barangay upang mas accessible sa mga mamamayan.
Mas ligtas pa aniya ang mga mamamayan sa virus dahil hindi na nila kailangan pang pumunta sa pamilihang bayan upang bumili ng mga pangunahing pangangailangan.
Makakatulong din ito upang maiwasan ang kumpulan ng mga tao at mahadlangan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Añes, naisipan nila ang pagpapatibay sa nasabing resolusyon dahil sa mga nagkalat na talipapa sa mga pangunahing lansangan at walang health certificate ang ilan.
Mas madali na rin ang monitoring ng mga City o Municipal Sanitary Office sa mga talipapa kapag legal ang operasyon at hindi na kung saan-saang lugar nagbebenta ang mga tindera.
Noong ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Lunsod ng Ilagan ay napansin nilang nahirapan ang ilang mamamayan dahil walang mapagbilhan ng kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Nilinaw ni SP Member Añes na hindi sapilitan ang pagkakaroon ng satellite markets o talipapa sa mga barangay dahil maaaring gawing cluster upang hindi labis na maapektuhan ang mga nagbebenta sa palengke na maaaring mawalan ng mga mamimili.












