--Ads--

Agad na ipinag-utos ng Land Transportation Office o LTO ang paglalagay sa alarm status ng mga motorsiklo at 90-days preventive suspension sa mga lisensya ng mga rider na sangkot umano sa iligal na karera sa San Agustin, Isabela.

Kaugnay ito ng insidenteng naganap noong Oktubre 3 hanggang 4, 2026, na bahagi umano ng San Agustin Eco-Tourism Ride 2026.

Agad na kumilos ang LTO sa pangunguna ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao matapos kumalat ang video ng insidente. Natukoy ng ahensya ang apat na organizer at pinadalhan ng Show Cause Order o SCO.

Inaatasan ang mga organizer na tukuyin ang mga rider na sangkot at magsumite ng kanilang paliwanag sa loob ng tatlong araw mula sa pagtanggap ng kautusan.

--Ads--

Batay sa video at police report na nakalap ng LTO, may mga rider umanong nagmaneho nang mapanganib, hindi sumunod sa speed limit at hindi nagsagawa ng kinakailangang pag-iingat, na nagresulta umano sa pisikal na pinsala at pagkasira ng ari-arian.

Sinabi ni Lacanilao na walang paglabag sa batas-trapiko ang dapat balewalain at tiniyak niyang haharap sa kaukulang aksyon ang mga mapatutunayang lumabag.

Samantala, susuriin din ng LTO ang legalidad ng waiver of liability na nilagdaan ng mga kalahok, partikular ang mga probisyon hinggil sa kanilang pananagutan sa kaligtasan, kondisyon ng sasakyan at pagsunod sa mga batas-trapiko at event rules.

Maaari ring patawan ng kaukulang parusa ang mga mapatutunayang lumabag sa umiiral na batas, kabilang ang mga naaangkop na probisyon ng Republic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code.