Patuloy na tinutugis ng mga kapulisan ang riding-in-tandem na bumaril sa isang aso sa kahabaan ng Isabela-Alfonso Lista Road sa Brgy. Ambatali, Ramon, Isabela.
Matatandaan na nitong April 24, 2026 ay nahagip ng CCTV Camera ang pagbaril ng isang lalaki na angkas ng isang Orange aerox motorcycle sa isang aso gamit ang isang caliber 9mm pistol matapos silang habulin nito sa naturang kalsada.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jay-ar Olya-on, hepe ng Ramon Police Station, sinabi nitong batay sa kanilang backtracking ay nagmula sa Alfonso Lista, Ifugao ang mga suspek at nag-exit sa national highway patungong San Mateo, Isabela.
Nakita rin umanong dumaan ang mga suspek sa bayan ng Cabatuan patungong Cauayan City. Gayunman, dahil sa dami ng entrance at exit points sa lungsod, nahihirapan ang mga awtoridad na matukoy ang kanilang kinaroroonan, lalo’t wala ring direktang nakasaksi sa insidente.
Ayon pa kay PMaj. Olya-on, nahagip ng CCTV ang plaka ng motorsiklong ginamit ng mga suspek ngunit hindi ito malinaw kaya isinailalim ito sa enhancement upang matukoy kung sino ang may-ari ng motorsiklo at kung sino ang bumaril sa aso.
Ipinaliwanag din niya na bagama’t may umiiral na ordinansa sa bayan ng Ramon na “Aso Mo, Itali Mo,” hindi pa rin katanggap-tanggap ang ginawang pamamaril sa aso. Aniya, maaari namang ireport sa barangay ang insidente upang mapatawan ng kaukulang parusa ang may-ari ng aso kung mapatunayang may pagkukulang ito.
Dagdag pa niya, bukod sa paglabag sa Animal Welfare Act, maaari ring maharap sa kasong indiscriminate firing ang mga suspek, gayundin sa illegal possession of firearm kung mapatutunayang hindi rehistrado ang ginamit na baril.
Samantala, kung mapatutunayang may paglabag din ang may-ari ng aso dahil sa panghahabol nito sa mga motorista, maaari rin umano itong mapatawan ng kaukulang parusa. Dahil dito, muling pinaalalahanan ni PMaj. Olya-on ang mga fur parents na itali o huwag hayaang makalabas ng kanilang compound ang mga alagang aso bilang pagsunod sa umiiral na ordinansa.





