CAUAYAN CITY – Tututukan ng bagong Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ang Road Crash Incident Prevention Campaign upang maiwasan ang mga aksidente sa mga daan sa Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCol Ranser Evasco, Provincial Director ng NVPPO na simula nang maitalaga siya sa Nueva Vizcaya noong ika-24 ng Oktobre 2020 ay pinag-aralan niya ang sitwasyon sa nasasakupang lalawigan.
Nakatakda siyang magtatag ng task force na bubuuin ng mga police riders na naka-sibilyan na sasailalim sa pagsasanay ng PNP Highway Patrol Group (HPG).
Balak din ni PCol Evasco na bumuo ng Road Safety Marshalls sa bawat bayan at magiging miyembro ang mga volunteer civilian riders na tutulong sa mga pulis na magmomonitor sa mga motoristang lumalabag sa batas sa lansangan.
Nilinaw niya na hindi maaaring manghuli ang mga volunteers kundi ang kanilang trabaho ay magbigay ng impormasyon sa mga pulis tungkol sa mga may paglabag sa mga batas sa lansangan.
Pangunahin din nilang tututukan ang mga accident prone areas at paglalagay ng mga road signages para maging gabay ng mga motorista upang maiwasan ang aksidente.
Ayon kay PCol Evasco, palalakasin din niya ang kanilang koneksyon sa bawat barangay upang magkaroon ng magandang ugnayan ang mga pulis sa mga nasasakupang komunidad.












