--Ads--

Matagumpay na naidepensa ng Filipino bare-knuckle boxing champion na si Rolando Dy ang kanyang BKB super welterweight title matapos niyang patumbahin sa ikalawang round ang dating two-division world boxing champion na si Paulie Malignaggi sa laban sa BKB 54: Mayhem in Manchester na ginanap sa AO Arena, Manchester, England.

Sa loob lamang ng dalawang round, agad na tinapos ni Dy ang laban. Sa unang ilang segundo ng second round, kumonekta ang Pinoy fighter ng malakas na kombinasyong left hook at right straight na tumama kay Malignaggi at nagpabagsak dito sa canvas.

Bagama’t nakatayo pa ang beteranong Amerikano matapos bilangan ng referee, hindi nagpatinag si Dy at agad itong sinundan ng sunod-sunod na atake. Dahil dito, muling bumagsak si Malignaggi at hindi na nakabangon bago tuluyang itigil ng referee ang laban.

Ang panalo ay nagsilbing unang matagumpay na depensa ng titulo ni Dy na kanyang nakuha noong Disyembre.

--Ads--

Si Dy ay anak ng beteranong boksingero na si Rolando Navarrete, isa sa mga kilalang pangalan sa boxing sa Pilipinas.