--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakilala na ang bangkay ng isang lalaki na natagpuang patay kaninang alas singko ng madaling araw sa Purok Anaraar, Harana, Luna, Isabela.

Unang nakapanayam ng Bombo Radyo Cauayan si Ruben Barnacia ng Marabulig 2, Cauayan City na nakakita sa bangkay ng lalaki sa gilid ng daan habang papunta siya sa Cabatuan, Isabela upang bumili ng karne sa palengke.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt Joesbert Asuncion, hepe ng Luna Police Station, sinabi niya na kinilala mismo ng kanyang kinakasama na si Jonabel Abad ang biktima matapos mapakinggan sa Bombo Radyo Cauayan ang ulat tungkol sa lalaking natagpuang patay sa nabanggit na lugar.

Ang biktima ay si Christian Quitola, rolling meat vendor at residente ng Saranay, Cabatuan, Isabela.

--Ads--

Nagtamo siya ng saksak sa tiyan at matinding sugat sa ulo at mukha matapos paluin ng matigas na bagay.

Ayon kay PCpt Asuncion, sinabi ng live-in partner ni Quitola na nawala siya simula kahapon at hahanapin na sana nang mapakinggan ang tungkol sa natagpuang patay sa Harana, Luna, Isabela kaya nagpunta siya sa Luna Police Station.

Panghoholdap ang isa sa mga anggulong iniimbestigahan ng Luna Police Station sa pagpatay kay Quitola dahil mayroon siyang dalang malaking pera na pambili ng baboy.

Nawawala ang kanyang bag na kinalalagyan ng kanyang pera at gamit at ang sinakyang kolong-kolong ay tinangay ng mga suspek at iniwan sa Camarunggayan, Aurora, Isabela.

Ayon pa kay PCpt Asuncion, maaaring itinapon lamang sa barangay Harana ang katawan ng biktima dahil wala namang palatandaan na doon siya pinatay at wala ring palatandaan na siya ay lumaban.

Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng Luna Police Station para matukoy ang mga suspek at motibo sa pagpatay kay Quitola.

Ang pahayag ni PCpt Joesbert Asuncion.