Iginiit ni Atty. Ade Fajardo na walang umiiral na pagbabawal laban kay dating House Speaker at Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez upang makalabas ng bansa.
Ito ay kasunod ng hindi pagpayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa planong pagpunta ni Romualdez sa Singapore para sa follow-up ng kanyang angioplasty surgery.
Ayon kay Fajardo, ang immigration lookout bulletin order ay hindi nangangahulugang bawal bumiyahe sa ibang bansa si Romualdez.
Binigyang-diin din niya na wala pang inilalabas na freeze order laban dito at wala rin itong kinakaharap na kaso sa Ombudsman o sa alinmang korte.
Nanawagan si Fajardo sa publiko na iwasan ang pagbuo ng konklusyon batay sa hindi kumpleto o hindi opisyal na impormasyon, kasabay ng pagtiyak na patuloy na susunod at igagalang ni Romualdez ang lahat ng legal na proseso.
Samantala, inaprubahan ni House Speaker Faustino Bodjie Dy III ang kahilingan ni Romualdez para sa travel clearance kaugnay ng planong pagpunta nito sa Singapore para sa isang medical procedure.
Sa kanyang liham kay Dy, sinabi ni Romualdez na nagsumite rin siya ng hiwalay na sulat sa Department of Justice upang humiling ng pahintulot na makalabas ng bansa habang may umiiral na Immigration Lookout Bulletin Order laban sa kanya.











