--Ads--

Muling makikiisa ang Rotary Club of Cauayan sa taunang Dugong Bombo 2026 na may temang “A Little Pain, A Life to Gain” sa Nobyembre 14 sa F.L. Dy Coliseum, Cauayan City, mula alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nelson Tan, President ng Rotary Club of Cauayan, na bahagi ito ng kanilang patuloy na adbokasiya sa pagliligtas ng buhay, pagtataguyod ng kalusugan at paglilingkod sa komunidad.

Ayon kay Tan, naaayon ang pakikiisa nila sa Dugong Bombo sa prinsipyo ng Rotary International na “Service Above Self” o paglilingkod nang higit sa sarili.

Naniniwala aniya sila na malaking bagay ang pagbibigay ng dugo dahil maaari itong makapagligtas ng buhay ng ibang tao, kahit hindi personal na kilala ng donor ang makatatanggap nito.

--Ads--

Ibinahagi rin ni Tan na naranasan mismo ng kaniyang pamilya, kabilang ang kaniyang anak at biyenan, ang kahalagahan ng blood donation matapos silang matulungan ng donasyong dugo sa panahon ng kanilang pagkakasakit.

Dahil dito, batid niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na suplay ng dugo, lalo na’t may mga pagkakataong hindi agad makakuha ang isang ospital ng partikular na blood type na kinakailangan ng pasyente.

Taon-taon ding katuwang ng Bombo Radyo Cauayan ang Rotary Club of Cauayan sa pagsasagawa ng Dugong Bombo upang makatulong na mapanatili ang sapat na suplay ng dugo sa Cauayan City Blood Bank at hindi na kailangang lumayo pa ng mga residente upang makakuha nito.

Matagal na rin umanong isinusulong ng kanilang organisasyon ang ganitong uri ng paglilingkod, katuwang ang mga partner nito sa Rotary International.

Samantala, hinikayat ni Tan ang publiko na makibahagi sa nationwide blood donation drive basta’t kwalipikado at medically fit upang makapag-donate ng dugo.

Binigyang-diin niya na kahit isang bag lamang ng dugo ay maaaring maging katumbas ng isang buhay na maililigtas.