--Ads--

Sumang-ayon ang Russia na ipagpatuloy sa Nobyembre ang trilateral negotiations kasama ang Estados Unidos at Ukraine upang talakayin ang posibleng pagtatapos ng digmaan, ayon sa isang opisyal ng Kremlin.

Ayon kay Yuri Ushakov, foreign affairs adviser ni Russian President Vladimir Putin, pumayag ang lider ng Russia sa prinsipyo na muling simulan ang pag-uusap matapos ang Nobyembre 10. Ito ay kasunod ng pagpupulong nina Putin at US envoy Steve Witkoff sa St. Petersburg.

Layunin ng mga pag-uusap na talakayin ang pagtatatag ng sistemang panseguridad para sa Russia at Ukraine matapos ang digmaan. Suportado rin ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy ang panawagan ng Washington na agad na ipagpatuloy ang negosasyon.

Gayunman, nananatiling malaki ang pagkakaiba ng posisyon ng Moscow at Kyiv sa mga kundisyon para sa kapayapaan. Samantala, iniulat ng Ukraine na limang katao ang nasawi at hindi bababa sa 23 ang nasugatan sa magkakahiwalay na pag-atake ng Russia noong Miyerkules.

--Ads--