--Ads--

Nakatanggap na ng kopya ng Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte ang House Committee on Justice, ayon kay panel member Terry Ridon.

Batay sa dokumentong ibinahagi ni Atty. Ridon, idineklara ng Pangalawang Pangulo ang net worth na mahigit ₱71 milyon noong 2022, matapos ibawas ang ₱3.75 milyon na liabilities mula sa kabuuang assets nilang mag-asawa na ₱74.8 milyon.

Noong 2023, tumaas sa higit ₱80 milyon ang kanilang assets habang bumaba sa mahigit ₱2.5 milyon ang liabilities, dahilan upang umabot sa ₱77.5 milyon ang net worth ni Duterte.

Sa 2024, muling tumaas ng ₱11 milyon ang kanyang yaman, na umabot sa higit ₱88.5 milyon. Nakasaad sa SALN na may kabuuang assets silang mag-asawa na mahigit ₱98.4 milyon at liabilities na ₱9.95 milyon.

--Ads--

Binanggit ni Ridon na mahalagang suriin kung makatwiran ang taunang pagtaas ng yaman, dahil ang SALN ang nagsisilbing baseline ng kayamanan ng opisyal. Anumang malaking pagkakaiba sa labas ng deklarasyon ay maaaring magpahiwatig ng “unexplained wealth.”

Itinuro rin ni Ridon ang umano’y discrepancy sa deklarasyon ni Duterte bilang stockholder ng isang kumpanya sa Davao City. Aniya, hindi nakalista ang pangalan ng Bise Presidente sa mga stockholders of record, kaya’t kailangan niyang magpaliwanag.

Tatalakayin ng House Committee on Justice ang mga dokumentong ito sa Miyerkules, kasabay ng pagpapatuloy ng pagdinig sa dalawang impeachment complaints laban kay Duterte, partikular sa alegasyon ng “unexplained wealth” at material non-disclosure sa kanyang SALN.

Inaasahang dadalo sa pagdinig sina Ombudsman Jesus Crispin Remulla, isang opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), at dating Senador Antonio Trillanes IV. Ayon kay Ridon, mahalaga ang testimonya ng AMLC kaugnay ng malalaking galaw ng pera sa bank accounts ng mag-asawang Duterte-Carpio.

Gayundin, inaasahang magbibigay ng konteksto si Trillanes hinggil sa bank records ng pamilya Duterte, matapos niyang unang maglabas ng alegasyon ukol sa mga joint at interrelated accounts ng dating Pangulo at kanyang mga anak.

Imbitado rin sa pagdinig ang mga opisyal mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Securities and Exchange Commission (SEC).