
CAUAYAN CITY – Idineklara ni Regional Director Joel Plaza ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) region 2 na drug cleared municipality na ang bayan ng San Mariano, Isabela.
Kasabay ng pagpapasinaya sa bagong Balay Silangan Reformation Center kung saan pitong drug reformist ang sumasailalim sa rehabilitasyon ay idineklara nang drug cleared ang bayan ng San Mariano.
Sa naging pagpapahayag ni Regional Director Joel Plaza, sinabi niya na sasailalim sa psychological, physical at spiritual na aktibidad ang pitong drug reformist at kapag natapos na ay bibigyan sila ng trabaho.
Ayon sa Municipal Anti-drug Abuse Council, sa 321 na nagtapos na sa kanilang rehabilitation ay 130 na ang may mga trabaho.
Umaabot pa sa 12 ang sumasailalim sa rehabilitasyon sa Sanchez Mira, Cagayan.
Ayon kay Regional Director Plaza, nakakapasok ang droga sa bansa dahil sa mga international drug trafficking organization.
Ayon naman sa Police Regional Office 2 (PRO2), sa 10 na nasamsaman ng illegal na droga ay walo ang positibong gumagamit nito.
Nagpasalamat si BGen. Crizaldo Nieves, regional director ng PRO2 sa alaking tulong ng pamahalaang lokal ng San Mariano, Isabela sa pamumuno nina Mayor Edgar Go at Vice Mayor Dean Anthony Domalanta.










