Tinanggihan ng Sandiganbayan ang pagtatangka ng pamahalaan na kumpiskahin ang humigit-kumulang $5.2 milyon mula sa Swiss bank accounts na konektado sa mga magulang ni Leyte Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa resolusyon ng Sixth Division ng anti-graft court, ibinasura ang mosyon ng Office of the Solicitor General (OSG) na inihain noong Nobyembre upang pigilan ang pagpapalabas ng US$5,193,726.37 (katumbas ng halos ₱311.3 milyon) na nakadeposito sa Union Bank of Switzerland at nakalagay sa escrow sa Philippine National Bank (PNB).
Ayon kay Associate Justice Sarah Jane Fernandez, chair ng Sixth Division, hindi maaaring baligtarin ng kanilang division ang naunang desisyon ng Fourth Division na noong Oktubre at Nobyembre 2025 ay nag-utos na palayain ang pondo para sa pamilya Romualdez.
Ang nasabing pondo ay dating bahagi ng mga account sa UBS Geneva na isinailalim sa forfeiture proceedings. Ngunit dahil nabigo ang pamahalaan na iapela ang dismissal ng kaso noong 2018, naging pinal ang desisyon at pinayagan ang pagpapalabas ng pera.
Binanggit ng Sixth Division na ang mosyon ng OSG ay hindi tuwirang kumukuwestiyon sa ruling ng Fourth Division, kundi nagsimula ng hiwalay na forfeiture case noong Nobyembre 2025—na itinuturing ng korte na hindi naaayon.
Sa prinsipyo ng non-interference, tuluyang ibinasura ang mosyon at nalinis ang Romualdez family sa pinakabagong forfeiture bid ng gobyerno.
Gayunpaman, nilinaw ng Sandiganbayan na maaari pa ring dalhin ng pamahalaan ang usapin sa Korte Suprema, na may kapangyarihang pigilan ang pagpapalabas ng pondo.











