--Ads--

Ipinag-utos ng Sandiganbayan 5th Division ang pagsamsam sa 16 na ari-arian ni dating Congressman Elizaldy Co o Zaldy Co, na nahaharap sa mga kasong graft kaugnay ng umano’y substandard na flood control project sa Oriental Mindoro.

Layunin ng writ of preliminary attachment na matiyak ang posibleng mahigit P215 milyong kabayaran sa civil liability sakaling mahatulan si Co sa mga kasong kinahaharap niya.

Batay sa resolusyong may petsang Marso 4 na inilabas ngayong Lunes, kinatigan ng korte ang argumento ng prosekusyon na may indikasyon ng pandaraya sa mga kasong kriminal laban kay Co sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Sa dokumento ng korte, binanggit na kung hindi agad isasailalim sa attachment ang mga ari-arian ni Co, maaaring hindi matugunan ng estado ang anumang magiging hatol sa hinaharap, dahil may posibilidad na maipagbili o maitago ang kanyang natitirang mga ari-arian sa bansa.

--Ads--

Dahil dito, ipinag-utos ng korte ang paglalabas ng writ of preliminary attachment laban kay Co, na nag-uutos sa sheriff ng hukuman na isailalim sa pagsamsam ang sapat na bahagi ng kanyang mga ari-arian sa Pilipinas upang matugunan ang hinihinging halaga ng prosekusyon na hindi lalampas sa P215 milyon.

Saklaw ng naturang writ ang walong ari-arian ni Co sa Pasig City, apat sa Makati City, tatlo sa Quezon City, at isa sa Lipa City, Batangas.