CAUAYAN CITY– Hindi na bago sa pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang pagkakasama ng lunsod ng Santiago at Ilagan sa mga maaring magkaroon ng pagsipa ng kaso ng COVID-19 ngayong holiday season.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Elizabeth Binag, tagapagsalita ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na justified ang pahayag ng OCTA Research Team na kabilang ang Santiago City at Ilagan City sa maaring magkarooon ng pagsipa ng kaso ng COVID-19 ngayong kapaskuhan at pagsalubong ng bagong taon dahil mataas talaga ang mga naitatalang kaso sa mga naturang lunsod .
Gayunman ay hindi na aniya ito bago sa pamahalaang panlalawigan dahil noong Nobyembre pa lamang ay kabilang na ang Isabela sa mga may matataas na kaso ng COVID-19 kaya pinapayagan ng Inter Agency Task Force o IATF na isailalim sa granular lockdown ang mga lugar na nakakapagtala ng kaso ng virus.
Sa kabila nito ay tiniyak niya na walang ipapatupad na lockdown sa buong lalawigan lalo na at mula ng isailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang Isabela ay unti-unti ng bumababa ang kaso ng COVID-19.
Kaugnay nito ay mas mahigpit pa ang pagpapatupad sa mga panuntunan sa ilalim ng GCQ.
Kabilang na rito ang pagsailalim sa RT-PCR test ng lahat ng hindi residente sa Isabela at magiging subject din sila sa 14-day quarantine.
Sa border checkpoint naman sa bayan ng Cordon ay kailangang ipakita ang kanilang QR code para matukoy ang lahat ng mga pumapasok sa lalawigan at para mapabilis ang contact tracing.
Para naman maging ligtas ang mga lumikas dahil sa pagbaha ay mahigpit na ipinatupad ang mga health protocols para matiyak na sumusunod ang mga mamamayan.
Sa mga tanggapan ng pamahalaan ay laging nagsasagawa ng disinfection at window transaction muna ang ipinapatupad.





