--Ads--

Malaking tulong umano ang isinasagawang satellite registration ng Commission on Elections sa iba’t ibang barangay at paaralan sa Cauayan City upang mas maraming residente ang makapagparehistro bilang botante.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leth Badua Election Assistant 2 ng COMELEC Cauayan City, sinabi nito na bagamat bukas tuwing Sabado ang kanilang tanggapan ay kakaunti pa rin ang mga nagtutungo rito dahil marami pa umano ang hindi nakaaalam na tuloy-tuloy ang kanilang operasyon kahit weekend.

Ayon kay Badua, mas mataas ang bilang ng mga nagpaparehistro kapag sila mismo ang nagtutungo sa mga barangay at paaralan sa pamamagitan ng satellite registration.

Aniya, umaabot sa mahigit 200 aplikante ang kanilang naitatala kada satellite registration sa mga paaralan kabilang na ang mga SK voters habang umaabot naman sa 90 hanggang 100 aplikante sa mga barangay.

--Ads--

Kumpara umano ito sa mga nagtutungo mismo sa kanilang tanggapan kung saan nasa 15 aplikante lamang ang kanilang naitala nitong Sabado at pawang bagong rehistro lamang ang pakay ng mga ito.

Bukod sa bagong aplikasyon, sinabi rin ni Badua na marami ring nagtutungo sa kanilang opisina para sa transfer of registration, correction of entries gaya ng pagbabago mula single patungong married status at iba pang pag-aayos sa voter records.

Ipinaliwanag din nito na agad nilang dini-disapprove ang mga nadidiskubreng double registration sa pamamagitan ng kanilang e-face matching system upang maiwasan ang pagkakaroon ng duplicate voter records.

Sa ngayon, sinabi ni Badua na nasa 93,234 na ang kabuuang bilang ng mga rehistradong botante para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Cauayan City.

Paalala naman ng COMELEC sa publiko na magtungo na sa kanilang tanggapan o samantalahin ang satellite registration dahil hanggang Mayo 18 na lamang ang voter registration period.