Bagama’t wala pang opisyal na pahayag ang FIBA, umaasa ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na makakapaglaro si naturalized guard Justin Brownlee sa Gilas Pilipinas sa pagsabak sa FIBA Asia Cup 2025 sa Agosto.
Noong Marso ay pinadalhan si Brownlee ng FIBA ng adverse analytical finding mula sa kanyang urine sample na kinuha noong Nobyembre.
Ito ay matapos ang panalo ng Gilas Pilipinas sa New Zealand sa Window 2 ng Asia Cup Qualifiers sa MOA Arena sa Pasay City.
Nauna nang nagpositibo ang Barangay Gnebra resident import para sa Carboxy-THC, isang substance na ipinagbabawal ng World Anti-Doping Agency, matapos niyang gabayan ang Nationals sa gold medal sa 19th Asian Games noong 2022.
Dahil dito ay nagsilbi ang 37-anyos na six-time PBA champion import ng isang ng three-month provisionary suspension.
Kasalukuyang nasa America si Brownlee matapos sumailalim sa isang surgery para sa kanyang dislocated thumb na nangyari sa pagsagupa ng Gin Kings sa TNT Tropang Giga sa nakaraang Season 49 PBA Commissioner’s Cup best-of-seven championship series.