--Ads--

Hinimok ng Schools Division Office (SDO) Isabela ang mga magulang at mag-aaral na makilahok sa isinasagawang early registration para sa School Year 2026–2027.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Timoteo Bahiwal, Division Planning Officer III ng SDO Isabela, sinabi niya na mula nang simulan ang early registration noong Enero 31, 2026, ay umabot na sa 36,002 ang kabuuang bilang ng mga naiparehistro.

Ayon kay Bahiwal, target ng kanilang tanggapan na makapagtala ng humigit-kumulang 80,000 mag-aaral bago matapos ang itinakdang panahon ng pagpaparehistro. Dahil dito, muli siyang nanawagan sa mga magulang at estudyante na samantalahin ang natitirang araw ng early registration.

Binanggit niya na isang linggo na lamang ang nalalabi bago ang deadline sa Pebrero 27. Partikular na hinihikayat ang mga mag-aaral na magtatapos ng Grade 6 na agad nang magpatala para sa Grade 7 sa paaralang nais nilang pasukan.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Bahiwal na layunin ng early registration na matiyak ang maayos na paghahanda ng mga paaralan, kabilang ang paglalaan ng sapat na guro, silid-aralan, at mga kagamitang pampagtuturo.

Nakakatulong din ito upang maiwasan ang pagsisiksikan at iba pang problema sa mismong regular enrollment period, gayundin ang posibilidad na hindi maisama ang ilang mag-aaral dahil sa late enrollment.

Bukas ang mga paaralan para sa early registration mula Lunes hanggang Sabado, hanggang sa Pebrero 27, 2026.