--Ads--

Mahigpit na ipinatutupad ang mga security measures sa Palanan Airport sa Palanan, Isabela, kasabay ng patuloy na information drive ng airport police para sa mga pasahero at iba pang gumagamit ng paliparan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Bernardo Tambo Jr., Officer in Charge ng Palanan Airport Police Station, sinabi nitong nananatiling normal at mapayapa ang sitwasyon sa paliparan habang mahigpit na sinusunod ng mga pasahero ang mga panuntunan sa seguridad.

Aniya, nagsagawa ngayong buwan ng pulong-pulong ang airport police kasama ang mga tricycle association at mga pasahero upang ipaalala ang mga probisyon ng bomb joke law at mga security risk items.

Namahagi rin ang mga ito ng mga information materials hinggil sa anti-terrorism, anti-VAWC at anti-drug laws upang mapaalalahanan ang publiko sa mga ipinagbabawal na gawain.

--Ads--

Samantala, sinabi ni PLt. Tambo na maayos naman ang operasyon ng dalawang local airline na bumibiyahe sa Palanan, maliban na lamang kung maaapektuhan ng weather conditions.

Kabilang dito ang WCC Sky Pasada na may kapasidad na 12 hanggang 16 na pasahero at Tagumpay Airline na kayang magsakay ng hanggang 12 pasahero.

Dagdag pa niya, bahagya ring dinagsa ng mga pasaherong pumapasok at lumalabas sa paliparan, partikular mula sa mga coastal town, dahil sa limitadong biyahe mula Palanan patungong Dilasag, Aurora.

Wala namang naitalang kaso ng VAWC sa paliparan sa ngayon, ngunit tiniyak ni Tambo na bukas ang kanilang himpilan sa pagtanggap ng mga sumbong at hinaing ng mga pasahero.