--Ads--

Nanawagan ang sektor ng transportasyon sa pamahalaan na magpatupad ng mas matibay at pangmatagalang solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, kasunod ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay jeepney driver na si Ginoong Arnold Yabut, sinabi nito na bagama’t nakatutulong ang service contracting program ng pamahalaan bilang pansamantalang ayuda sa mga driver at operator, hindi pa rin nito lubos na natutugunan ang pangunahing suliranin ng sektor na dulot ng mataas na gastos sa operasyon.

Ayon kay Yabut, kinakailangan ang mas malawak at pangmatagalang mga hakbang upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at iba pang produktong petrolyo na direktang nakaaapekto sa kabuhayan ng mga nasa sektor ng transportasyon.

Ipinaliwanag niya na ang pagmahal ng langis ay may domino effect sa ekonomiya dahil naaapektuhan nito ang pamasahe, presyo ng mga bilihin, gastos sa produksyon, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mamamayan.

--Ads--

Dagdag pa niya, nananatiling malaking hamon para sa maliliit na transport operators at mga driver ang pabagu-bagong presyo ng petrolyo kaya umaasa silang makababalangkas ang pamahalaan ng mga konkretong polisiya upang matugunan ang problema sa pangmatagalan.