--Ads--

Iginiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na nais umano ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na personal na dumalo sa mga sesyon ng Senado, ngunit hindi ito magawa dahil sa umano’y banta ng pag-aresto at posibleng pagdala sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Ayon kay Cayetano, parehong nais ng minority at majority bloc na makadalo si Dela Rosa sa mga sesyon, ngunit nananatili umano ang pangamba sa kanyang kalayaan dahil wala aniyang katiyakan na mapoprotektahan ng pamahalaan ang kanyang mga karapatan.

Dagdag pa ng senador, hindi boluntaryo ang patuloy na pagliban ni Dela Rosa at patuloy naman umanong gumagana ang kanyang opisina, kabilang ang staff at mga dokumentong kinakailangan sa kanyang tungkulin.

Sinabi rin ni Cayetano na handa si Dela Rosa na ipaglaban ang kanyang karapatan sakaling siya ay arestuhin at dalhin sa ibang bansa.

--Ads--

Matatandaang mula pa noong Nobyembre ay hindi na dumadalo sa sesyon si Dela Rosa matapos ang pahayag ni Jesus Crispin Remulla na may inilabas umanong arrest warrant ang ICC laban sa kanya kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa war on drugs ng administrasyon ni Rodrigo Duterte.