Sinuportahan ni Senator Robinhood “Robin” Padilla ang mungkahi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na payagang boluntaryong mag-ambag ang mga Pilipino upang makatulong sa pagbabayad ng pambansang utang.
Ayon kay Padilla, hindi naman sapilitan ang panukala kaya maaaring magbigay ang mga may kakayahang pinansyal upang makatulong na mabawasan ang utang ng bansa na umaabot sa ₱19.66 trilyon.
Aminado rin ang senador na wala pa siyang kakayahang magbigay ng naturang kontribusyon, ngunit handa umano siyang tumulong kapag nagkaroon na siya ng sapat na pera.
Bilang halimbawa, binanggit ni Padilla ang karanasan ng South Korea kung saan nag-ambag ang mga mamamayan, kabilang ang pagdo-donate ng kanilang mga alahas, upang makatulong sa pagbabayad ng utang ng bansa.
Matatandaang inihain ni Cayetano ang mungkahi sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 national budget noong Nobyembre 23.
Ipinaliwanag niya na kung hahatiin ang ₱19.66-trilyong pambansang utang sa 114.93 milyong Pilipino, katumbas ito ng ₱170,598.03 bawat isa.
Hinimok din ni Cayetano ang economic team at Bangko Sentral ng Pilipinas na pag-aralan ang mga posibleng mekanismo upang maisakatuparan ang boluntaryong kontribusyon.











