--Ads--

Mariing pinabulaanan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang alegasyong humingi siya ng “ceasefire” kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson kaugnay ng kanilang palitan ng akusasyon tungkol sa umano’y mga “ghost projects” sa Taguig City.

Ang paglilinaw ni Cayetano ay kasunod ng social media post ni Lacson na nagsabing may isang senador na lihim umanong nakikiusap na itigil na ang kanilang alitan, bagama’t hindi nito pinangalanan kung sino.

Ayon kay Cayetano, may ilang kasamahan sila sa Senado ang nagpahayag ng pag-aalala na ang kanilang hidwaan ay maaaring makasama sa imahe ng institusyon at makapagpalihis ng atensyon mula sa mas mahahalagang usapin ng bansa.

Binigyang-diin niya na mas nararapat pagtuunan ng pansin ang mga problemang kinahaharap ng publiko tulad ng mataas na presyo ng kuryente at langis, online gaming, at vape kaysa sa personal na sigalot.

--Ads--

Iginiit din ng senador na handa siyang sagutin at harapin ang anumang paratang na ibinabato laban sa kanya.