--Ads--

Inihayag ng Bureau of Immigration nitong Linggo na wala pang inilalabas na hold departure order laban kay Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa kabila ng kinahaharap nitong arrest warrant mula sa International Criminal Court.

Ayon sa BI, nananatili lamang si Dela Rosa sa ilalim ng Immigration Lookout Bulletin Order, na nagsisilbing monitoring mechanism ng mga awtoridad habang sinusubaybayan ang kanyang paggalaw kaugnay ng kinahaharap na kaso.

Ipinaliwanag ng BI na ang Department of Justice ang may kapangyarihang maglabas ng hold departure order, habang ang Bureau of Immigration naman ang nagpapatupad nito.

Nilinaw rin ng ahensya na karaniwang inilalabas ang hold departure order kapag nakita ng korte na may posibilidad na tumakas o umiwas sa paglilitis ang isang indibidwal, kaya kinakailangang manatili ito sa bansa habang dinidinig ang kaso.

--Ads--

Mayroon ding precautionary hold departure order na maaaring ipataw kahit nasa paunang yugto pa lamang ang isang kaso, kung itinuturing ng korte na may posibilidad na umalis ng bansa ang isang tao upang iwasan ang posibleng pagsasampa ng kaso.

Dagdag pa ng BI, pareho ang epekto ng hold departure order at precautionary hold departure order dahil kapwa nito pinipigilan ang isang indibidwal na umalis ng Pilipinas maliban kung may pahintulot mula sa korte.