--Ads--

Hinimok ni Senate President Win Gatchalian si Senator Imee Marcos na makiisa sa pagpapabilis ng pagpasa ng mga prayoridad na panukalang batas sa halip na punahin ang naging performance ng Senado sa unang regular na sesyon ng 20th Congress.

Ito ay matapos sabihin ni Sen. Imee na naging bigo ang Senado sa nakaraang sesyon dahil dalawa lamang umanong panukalang batas ang naipasa.

Ayon kay Gatchalian, bahagi rin ng institusyon si Marcos kaya’t anumang puna sa Senado ay tumatama rin sa mga senador kabilang ang kanyang sarili.

Binigyang-diin ng Senate President na mas makabubuting magtulungan ang mga mambabatas upang mapabilis ang pagtalakay at pagpasa ng mahahalagang panukala.

--Ads--

Para sa ikalawang regular na sesyon, tiniyak ni Gatchalian na pagtutuunan ng Senado ang mga prayoridad na panukala sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Nakatakda ring magpulong ang LEDAC sa Biyernes upang tukuyin at isapinal ang mga panukalang dapat unahin, kung saan inirerekomenda ni Gatchalian na bigyang prayoridad ang mga economic at business bills upang makatulong sa pagpapasigla ng mabagal na takbo ng ekonomiya.