--Ads--

Posibleng sumailalim sa operasyon si Senator Jinggoy Estrada matapos bahagyang mapilipit at lumagutok ang kaniyang kaliwang tuhod habang biglang tumatayo sa loob ng Quezon City Jail.

Ayon kay Dr. Jose Fernando Syquia, orthopedic doctor ng 63-anyos na senador, ito ang inisyal na pagsusuri sa kondisyon ng kaniyang tuhod.

Dagdag ng doktor, karaniwang nangangailangan ng operasyon ang ganitong kondisyon. Gayunman, ipinaubaya na kay Estrada ang desisyon kung kailangan niyang ma-confine o kaya niyang tiisin ang pananakit.

Magugunitang dinala si Estrada sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan matapos lumagutok ang kaniyang tuhod at lumala ang pananakit nito.

--Ads--

Una nang pinayagan ng Sandiganbayan noong Lunes ang kahilingan ng senador na sumailalim sa X-ray dahil sa pananakit ng kaniyang tuhod.

Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology o BJMP, habang naghahanda si Estrada na magtungo sa ospital, bigla umanong lumagutok ang kaniyang tuhod kaya nadagdagan ang kaniyang nararamdamang sakit.

Kasalukuyang nakapiit si Estrada kaugnay ng mga kasong plunder at graft na may kinalaman sa umano’y pagtanggap ng kickback mula sa mga flood control project.