Naghain si Senador JV Ejercito ng panukalang batas na magtataas sa ₱600,000 ang taunang income tax exemption upang mabawasan ang pasanin sa buwis ng mga manggagawang Pilipino, partikular ang mga kabilang sa middle-income sector.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2341, layong amyendahan ang National Internal Revenue Code upang hindi na buwisan ang mga empleyadong kumikita ng ₱600,000 o mas mababa kada taon, mula sa kasalukuyang tax-exempt threshold na ₱250,000.
Ayon kay Ejercito, hindi lamang simpleng reporma sa buwis ang panukala kundi pagkilala sa mga middle-income earners na patuloy na nagbabayad ng buwis at sumusuporta sa ekonomiya sa kabila ng tumataas na gastusin sa pamumuhay.
Iginiit ng senador na dapat umayon ang tax system ng bansa sa kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya upang mabigyan ng mas malaking maiuuwing kita ang mga manggagawa at mapalakas ang kanilang kakayahang gumastos.
Dagdag pa niya, hindi lamang pansamantalang tugon sa inflation ang panukala kundi isang pangmatagalang hakbang upang makatulong sa pagpapagaan ng buhay ng mga pamilyang Pilipino.






