Inaasahang haharap sa panibagong hamon ang gaming industry sa Pilipinas ngayong taon dahil sa mas mahigpit na regulasyon ng pamahalaan at mabagal na paggastos ng mga mamimili, ayon sa ulat ng S&P Global Ratings.
Sa pagsusuri ng ahensya, tinatayang bababa ng 7% ang gross gaming revenue (GGR) ng bansa ngayong 2026, kabaligtaran ng 6% na paglago na naitala noong 2025.
Ayon sa S&P, nakaapekto sa industriya ang mas mahigpit na pagbabantay ng gobyerno sa online gambling, kabilang ang paghihigpit sa paggamit ng e-wallet linkages, habang patuloy ding naaapektuhan ng mataas na inflation ang kakayahan ng mga mamamayan na gumastos.
Batay sa datos ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR), bumaba ng 15.87% ang gross gaming revenue ng industriya sa unang tatlong buwan ng taon sa P87.6 bilyon.
Pinakamalaking pagbaba ang naitala sa online at electronic gaming sector, kabilang ang e-games, e-bingo, bingo at poker, na nakaranas ng 22.43% pagbaba sa kita kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sa kabila nito, nananatiling positibo si PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco na muling babangon ang industriya kapag humupa na ang mga pandaigdigang tensyon at bumuti ang kalagayan ng ekonomiya.









