--Ads--

Nagbabala ang China ng retaliation kung itutuloy ng Estados Unidos ang pagbabawal sa pagpasok ng mga bagong humanoid robots at iba pang advanced robotic devices na gawa ng chinese companies. Hinimok din ng Beijing ang Washington na bawiin ang mga hakbang na anila’y may diskriminasyon at naglalayong supilin ang mga negosyo ng China.

Ang babala ay kasunod ng anunsyo ng U.S. Federal Communications Commission (FCC) na ipagbabawal ang mga bagong modelong Chinese-made humanoid robots, robot dogs at ilang power inverters dahil sa umano’y banta sa national security at posibilidad ng surveillance, cyberattacks, at pagkuha ng sensitibong datos.

Ayon sa China, ang naturang hakbang ay isang uri ng protectionism na maaaring makasama hindi lamang sa mga chinese companies kundi maging sa mga negosyo at mamimili sa Estados Unidos. Nangako rin ang Beijing na ipagtatanggol nito ang lehitimong karapatan at interes ng mga kumpanyang apektado ng pagbabawal.

Ang pagbabawal ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng Trump administration laban sa ilang teknolohiyang mula sa China, kasabay ng lumalalang kompetisyon ng dalawang bansa sa larangan ng artificial intelligence, robotics, at iba pang makabagong teknolohiya.

--Ads--